Muling dumulog sa Korte Suprema si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa upang hilinging pigilan ang pagpapatupad ng P50-milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo ng kanyang kinaroroonan.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, naghain ang senador ng manifestasyon at hiniling na mag-isyu ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa pagbibigay at pagpo-promote ng naturang pabuya.
Kinuwestiyon din ni Dela Rosa ang pagturing sa kanya bilang “armed and dangerous” nang ianunsyo ang pabuya noong Oktubre 23, 2026.
Hiniling din niyang pigilan ang mga awtoridad sa pag-aresto sa kanya at pagdadala sa International Criminal Court o ICC.
Matatandaang una nang ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan niyang maglabas ng TRO. Sa pinakabagong mosyon, hiniling ng senador na baligtarin ng hukuman ang naunang desisyon at muling isaalang-alang ang kanyang kahilingan.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa kasunod ng arrest warrant na inilabas ng ICC. Nahaharap ang senador sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan siya umano ay co-perpetrator.