Tiniyak ng Manila Electric Company (MERALCO) ang kahandaan nito para sa pagbibigay ng tuloy-tuloy at maaasahang serbisyo para sa paparating na UNDAS 2026.
Ayon sa MERALCO, ito ay sa gitna na rin ng pinangangambahang pagtaas ng demand sa kuryente bunsod ng nararanasang epekto ng El Niño sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ng MERALCO na nakaalerto na rin ang mga tauhan para tumugon sa anumang pangangailangan at alalahanin sa kuryente.
Pinaaalalahanan naman ng MERALCO ang publiko na sundin ang mga mahahalagang paalala sa ligtas na paggamit ng kuryente, lalo na ang mga aalis sa kanilang mga tahanan.
Ilan sa mga kailangang tandaan ang sumusunod:
- Patayin at tanggalin sa saksakan ang appliances, lalo na kung matagal na iiwanang walang tao ang bahay;
- Iwasan ang “octopus connection” o pagsasaksak ng maraming kagamitan sa iisang outlet;
- Tiyaking laging tuyo ang mga kable, connector, at iba pang kagamitang elektrikal;
- Huwag ilagay ang mga kable ng kuryente sa ilalim ng basahan o karpet dahil maaari itong magdulot ng pagkasira ng insulasyon; at
- Ilayo sa mga ilaw ang mga materyales na madaling magliyab.