Pinaalalahanan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga motoristang bibiyahe sa mga lalawigan para doon gunitain ang mga yumao ngayong UNDAS 2026.
Ayon kay HPG Director, Police Brig. Gen. Joyce Patrick Sangalang, dapat tiyakin ng mga motorista na maayos at nasa kondisyon ang kanilang mga sasakyan, lalo na ang sarili bago bumiyahe.
Partikular na pinaalalahanan ni Sangalang ang mga gumagamit ng motorsiklo lalo na iyong mga hindi mahihilig magsuot ng helmet at iyong mga magulang na nag-aangkas ng maliliit nilang anak.
Batay sa datos ng PNP HPG mula Enero hanggang Oktubre ng taong ito, nakapagtala sila ng 118,658 na mga insidente sa kalsada na mas mababa kumpara sa mahigit 175,000 noong isang taon.
Sa naturang bilang, aabot sa mahigit 3,800 ang nasawi habang 84,000 mga ari-arian ang napinsala kung saan, nangunguna sa mga sanhi ay ang “overspeeding.”