Photo courtesy of DPWH
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing permanente ang mga reporma sa Department of Public Works and Highways o DPWH upang maipagpatuloy ang mga ito kahit magpalit ng administrasyon.
Ayon kay bagong DPWH Secretary Giovanni Banoy Lopez, kabilang sa direktiba ng Pangulo ang pagpapatuloy ng mga pagbabagong sinimulan ni dating DPWH Secretary at ngayo’y Department of Transportation Secretary Vince Dizon.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng transparency at accountability, pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian, at pagkumpleto sa mga matagal nang nakatenggang proyekto ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Lopez na kailangang maisama sa permanenteng mga patakaran at sistema ng DPWH ang mga reporma upang hindi ito nakadepende sa kung sino ang nakaupong kalihim o pangulo.
Layunin din nitong mapabilis ang pagpapatayo at pagkumpleto ng mga kalsada, tulay at iba pang imprastrakturang kailangan ng publiko.